dumarating sa buhay ng tao ang isang pagkakataon kung saan tayo ay nagkakamali. tayo ay nagbubulag-bulagan sa isang bagay na sa simula pa lamang ay alam na nating hindi tama, kaya lang pilit pa rin natin ginagawa. hanggang sa tayo ay madapa. umiyak at masaktan. ngunit sa bandang huli ay makakatayo pa rin at masasabing lahat ng bagay na iyon ay tapos na.
pero sa ganun na nga lang ba matatapos ang lahat? sa simpleng paglimot sa isang bagay na nagawa mo? hindi ba dapat aminin mo rin sa sarili mong nagkamali ka?
oo, alam naman ng lahat ng tao kung gaano kahirap tanggapin ang isang pagkakamali. lalo na ang sabihin sa iba na nagkamali ka nga. na pinagsisisihan mo ang lahat ng mga ginawa mo. ngunit alam rin naman ng lahat ng tao sa mundo na ito ang nararapat gawin.
madali lang naman yan. maging responsable ka sa lahat ng mga idudulot nyang bagay na yan, hindi lamang sa buhay mo kundi pati na rin sa iba. humingi ka ng tawad sa mga taong nasaktan at nadamay mo. humingi ka rin ng tawad sa diyos. madali lang naman talagang sabihin, ngunit hirap na hirap tayong gawin. bakit? dahil sa wala tayong lakas ng loob. at madalas ayaw rin natin magpakumbaba. ayaw natin tanggapin na tao lang tayo, nagkakamali sa pagpili ng desisyon.
nakakatawa. kapag kalokohan ang pinag-uusapan, kahit kailan at kahit ano ay handa tayong gawin. pero kapag mabuti at tama na ang ipapagawa, natitigilan na lang tayo. nagdadalawang-isip.
pero wala tayong magagawa. yun ang totoo. harsh realities in life, ika nga.
kaya pa ba natin baguhin ang ugaling nakagisnan na? maaaring oo, maaari rin naman hindi na. pero naisip mo bang ang ibang tao kayang gawin yun? kaya nilang panindigan kung ano man ang kanilang nagawa at amining sila ay nagkamali? kung kaya nila eh dapat kaya mo rin.
napakaimposible naman na kahit minsan ay hindi tayo magkamali. parte na yan ng buhay. ngunit sana naman ang bawat pagkakamaling nagawa natin ay magsilbing daan upang tayo ay matuto. upang malaman natin na marami pa tayong bagay na dapat malaman. mga bagay na matututunan natin sa mas komplikadong paraan.
at masasabi mo lamang na ikaw ay natuto na kapag dumating ang panahon na natanggap mo na sa sarili mo at naamin mo na sa iba na ikaw ay nagkamali.
it's the summer feeling i really love
8:03 PM